“Huwag mo kailanmang matahin ang kakayanan nang iilan. Kahit kinukutya ng lipunan at hindi pinapansin ng mga may kapangyarihan, ang kakaunti ay mayroong kapangyarihang baguhin ang buong mundo.” ~ Lance M. Filio
Ang kakaunti ay palagi nang winawalang halaga ng mas marami. Sa isang mundo na ang karamihan ay nagpupunyaging magkamal ng marami at ang lahat ay iginigiit ang rule of the majority, walang nag-aakalang ang kakaunti ay magkakaroon ng halaga o kahulugan.
Nuong si Gideon ay makipagdigma sa mga Midianita ay dinala niya ang Israel sa tagumpay hindi sa pamamagitan libo-libong mga sundalo bagkus kasama lamang ang isang daang mga lalaki. Maging nang pasimulan ni Jesus ang pagliligtas sa buong sanglibutan, hindi niya isinama ang isang laksang tagasunod upang dalhin ang Mabuting Balita kundi ang labing-dalawang alagad lamang. Subali’t ang bunga ng iilang ito ay namumunga pa hanggang ngayon. At oo nga, ang mga ninuno nating tumawag sa ating mga kapilas ng kanilang kaluluwa, ay nagtayo ng isa sa mga matatag at nakapagsasariling Simbahang Ebanghelikong Filipino ngayon, sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng kakaunti lamang. At bagama’t lingid sa marami, ay nakikita ng Dios ang malawak at dakilang lakas ng nagkakaisang pananampalataya ng kakaunti: Pakinggan mo: Sa kamay ng mapagpalang Dios, ang mahina ay malakas, ang maliit ay malaki, at ang kakaunti ay madami.
Sa ating mga Kaisang Unida: Sa Cuneta Astrodome ay napaikita kung paano ang isa ay mayroong halaga. Sa pamamagitan ng pagsasama-sama bilang isang nagkakaisang iglesia ay naipamalas natin ang ganda, timyas, at galak ng ating maraming bilang. Subali’t sa malawak na mundong ating ginagalawan ang ating bilang ay maaaring hindi pansinin at pahalagahan. Ang maliit nating bilang ay maaaring kutyain at ipagwalang-bahala ng mga makapangyarihan at maimpluwensiyang mga tao ng ating panahon dahil maaari nilang sabihin na katulad ng iba diyan, tayo ay mahina at maliit. Subalit mga magulang at mga kapatid maging matatag po tayo sapagkat dumating na ang panahon na ang pagbabago ay darating hindi sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan, bagkus sa pamamagitan ng Espiritu na nasa iilang Pinili ng Dios. Ang ating nais ay ang Mabuting Balita ng Kaligtasan at ang ating bandila ay si Hesu-Kristo.
Pitumpu’t-limang taon na tayong naghihintay. At, bagama’t hindi pa dumarating ang araw na ang ating iglesia ay lubos na matutupad ng plano ng Dios sa pagpili Niya sa atin, ay nababanaag na natin ang bukang-liwayway ng isang PASIMULA. Nuong Agosto, limang daan at limampu sa atin ang dumalo sa 1st Unida-produced Evangelistic Training course. Ito ang pinaka-agresibong hakbang ng ating iglesia upang isulong ang ebanghelismo. Maaaring sabihing ang 550 ay kakaunti lamang - iilan. Subali’t batid natin na sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, ang matatag na kakaunti ay kayang pagalawin ang mundo.
Maging bahagi ka ng iilan upang maranasan mo kung paanong pinalalakad, pinatatakbo at pinalilipad ng Dios ang ating iglesia. Himukin mo ang inyong lokal na iglesia upang sumama sa misyon ng pagdadala ng MABUTING BALITA sa buong mundo. Magtayo ng grupo ng kaanib ng inyong iglesia at dalhin ang ebanghelyo sa inyong komyunidad. Ipanalangin ang bawa’t lokal na iglesia sa kanilang pagsaksi para kay Kristo. Magkaloob ng halaga para sa gastusin ukol dito. Tandaan mo, kahit tayo kakaunti ay mayroon tayong hindi nakikitang laksa-laksa na kaagapay.
KAISANG UNIDA, HAYO NA!
Monday, August 28, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment