IGLAP!
Tsapter Tri
“Kung mangarap ka’t magising…”
MULA sa pagkaidlip ay napamulagat ako. Saan ako naroon? Anong araw ngayon? Anong oras na? Umaga, tanghali, o gabi? Sa loob ng maraming sandali nangapa ako sa mga sulok ng utak ko. Kinakabahan ako. Ba’t wala akong maalala? Bigla, lumilanga-linga ako. Nasaan ang librong “The Story of Rip Van Winkle” na binabasa ko? Wala! At nuon ko napansin ang kapaligiran ko. Hindi ko kilala ang mga furnitures at appliances na nakikita ko. Hindi ko bahay ito. O, hindi nga ba!?
Ano ito? Sulat. “Daddy,” ang nabasa ko, “nasa kapilya na kami.” Pero hindi iyon ang tumawag ng pansin ko, kundi ang petsa. Dec. 25, 2015. Teka, teka, ang alam ko, ang kasalukuyang taon ay 2005 pa lang. Huwag mong sabihing….
Marahas kong binuksan ang pinto at lumabas. Lalong lumalim ang pagtataka. Iba na ang lahat. Ibang-iba ang paligid. Bumalik ako sa loob. Nag-isip. Bumalik ang tingin sa sulat.
Pagkatapos ay binuksan ko ang pinto at tumingin sa labas. Lumabas at mabilis na lumakad. Ang kapilya, nasaan ang kapilya? Dito lang ‘yun. Dito lang, Ahhhhh ayun!
Malayo pa ay dinig ko na ang masayang awitan. Ang electric guitar, drums, keyboard at iba pang instrumentong kumakalansing! Kumakalansing?! Nagmadali ako.
Bumulaga sa akin ang buong kongregasyon na nag-aawitan, nagsasayawan. Masaya. Bigay na bigay ang pag-awit at bigay na bigay ang pagsasayaw. Ibang sayaw, o iba nga ba? Pareho din pero….pero, iba ang indayog. Iba ang dating. Iba ang ibig sabihin? Praise & Worship? Biglang rumagasa ang kaba sa dibdib ko. Iba na ang gawaing ito, isang hakbang na higit sa inisip ko. Dios ko! Ako, ang nagdala, nagpasok ng gawaing ito sa kapilyang ito. Ako! Ganito ba katindi ang intensiyon ko?
Tumignin ako sa paligid. Wala akong makitang kakilala. Hindi ko makita ang pamilya ko. Nasaan sila sa gitna ang nag-iindayugang mga katawan sa harap ko?
Nag-iba ang tugtog ng banda. Tugtog na nagbababala na mayroong darating. Sa kanang bahagi ng pulpito lumabas ang isang lalaki. Putting-putting ang suot. Nagsasayaw, umaawit. Pumapagitna habang malanding umiindak sa saliw ng tugtog at awit. At nagsimulang magsalita, mangaral sa ritmo ng tugtog. Ang tinig ay nanunuot, tumatawag ng damdamin. Ang lahat ng mata ay tumutok sa kaniya. Umugong ang paligid. May tumili. At naghari ang sigaw ng pagpupuri! Pagpupuri? Para kangino?
Bigla nag-iba ang pagsasalita, kangina nauunawaan ko. Ngayon gibberish ang salita. Paulit-ulit. Sumunod ang mga tao. Sabay-sabay. Umugong. Mga salitang hindi ko maunawaan. Dios ko, ako lang ba sa lipunpung ito ang hindi nakakaintindi sa ugong na ito?
Isa-isang naglapitan ang mga tao sa lalaking nagsasalita ng hindi ko maintindihan. Naghihiyawan. Naghahalakhakan. Walang patumanggang awitan, tugtugan at sayawan at halakhakan! Nakakapanindig balahibong halakhakan. Pagpupuri? Para kangino? Isa-isa dinunggol sila ng nakabukas na palad ng nakaputing lalaki. Isa-isa paatras silang bumagsak. At sa tuwing may bumabagsak lumalakas ang hiyawan, laong tumtindi ang awitan laluna ang sayawan. Sino ang pinupuri, hindi ko makita. Ako lang kaya ang hindi nakakakita? Nakakadama?
Sumigaw ako ng malakas. Nguni’t hindi ko narinig ang sarili ko. Nalunod ito ng lalong lumakas pang ugong ng kawan sa harap ko.
Hindi na ako nakatiis. Mabilis akong lumabas, nakatakip ang dalawang kamay sa ulo. Sa labas, tumakbo akong walang direksiyon. Nang biglang nanuot ang tinig ng isang dalagita.
“Lolo! Lolo!” Hindi ko agad nakilala ang mukha na dalagita na nakalabas ang ulo sa isang bagong modelong kotse na minamaneho. Pero saglit lang, kagyat namukhaan ko. Si Bebel, dalagita na ang apo ko? “Lolo, hinihintay ka na naming sa Grand Unida Temple.”
Sumakay ako at nakita kong ibang lugar ang pinupuntahan namin. At bumukana kami sa isang malawak na lugar. Maganda ang landscaping at kalagitnaan ay naruon ang isang napakaganda at napakalaking templo na mayroong video wall sa harapan na nagsasabing THE GRAND UNIDA TEMPLE! WELCOME TO THE HOME CHURCH OF FIVE BISHOPS!
Luminga-linga ako. Wala akong makitang lugar na paparadahan. Ang nakita sa aming harapan ay ang makapal na dingding ng templo. Nagtatanong ang mata ko kay Bebel pero ngumiti lamang siya sabay turo sa dingding ng hawak niyang bagay na singliit ng kalahating ballpen. Biglang nawala ang dingding. At pumasok kami at tumambad sa akin ang isang malawak na basement parking na puno ng mga sasakyan. Bigla ay nakaparada na kami. Pagkababa ay itinuro ako ni Bebel sa escalator. Ilang saglit pa ay nasa bukana na kami ng sambahan.
Pagpasok ko, nanduoon silang lahat. Ang buong pamilya ko at ang mga mukhang pamilyar sa akin. Umaawit ang kapulungan. “Patunguot Ko Ay Si Jesus.” Ang paborito kong Himno. Hinugot ko sa dibdib ang isang malalim na buntung-hininga. Pero biglang umikot ang paligid.
Nagulantang ako at nagising. Tulala, pero natuwa. Kilala ko ang paligid. Tiningnan ko ang kalendaryo, 2005. Ayos!
Ano ang ibig sabihin ng panaginip. Tumayo ako at pumikit. At sa aking balintataw ay nakito ko ang Unida, ang aking iglesia, sa harap ng isang magkasangang landas. Sa kaliwa ang pagbabago at sa kanan ang babala ng pananatili. Quo Vadis? Saan dapat magtungo?
(Sundan sa susunod na kabanata….)
Friday, December 30, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment